Mga Pagbabagong Morpoponemiko (Grade 11)
MGA PAGBABAGONG MORPOPONEMIKO
IKA-11 NA BAITANG
I. LAYUNIN
A. Nailalarawan at naihahambing ang Asimilasyon, Pagpapalit ng Ponema, Metatesis, Pagkakaltas ng Ponema, Paglilipat-diin, at Reduplikasyon.
B. Napahahalagahan ang kaligiran ng morpoponemiko sa pang-araw-araw na komunikasyon.
C. Nakagagamit nang mahusay ng mga pagbabagong morpoponemiko sa pakikipagtalastasan.
II. PAKSANG-ARALIN
A. Paksa
Mga Pagbabagong Morpoponemiko
B. Integrasyon sa iba pang Asignatura: Lingguwistika
C. Pagpapahalaga: Ang pagtutuon sa kayamanan ng wikang Filipino na nakakiling sa pagbabago ng anyo para sa ikadadali at ikauunlad ng komunikasyon—pasalita at pasulat.
D. Kagamitan
- Whiteboard - Laptop
- Whiteboard marker - Projector
E. Sanggunian
Bernales, R., et al. (2013). Akademikong Filipino para sa Kompetitibong Pilipino. Mutya Publishing House, Inc. p. 90-94. Retrieved from [Accessed 8 December 2020].
III. PAMAMARAAN
1. Panimulang Gawain
a. Panalangin
b. Pagbati
c. Pagtala ng mga Lumiban
2. Paglinang sa Gawain
a. Pagganyak
Guro: Mga mag-aaral, bago tayo tumungo sa ating talakayan nais ko lamang malaman kung paano kayo makipag-usap sa wikang Filipino. Sa pagsasawa nito, nais kong tumayo ang lahat pumili ng isa o dalawang kamag-aral at bumuo ng talastasan mula sa mga isusulat kong mga salita sa whiteboard.
Mga salita:
Pamalo Marunong
Pambansa Takpan
Basahin Mandaragit
Guro: Ngayong natapos na ang pag-uusap ninyo, karaniwan lamang ang wala kayong mapapansin mula sa mga ito, dahil ito ang ordinaryong daloy ng komunikasyon gamit ang mga salitang inyong binanggit. Nguni’t ano nga ba ang mga nakapaloob sa mga salitang ito?
b. Pagtatalakay
Asimilasyon – Sakop ng uring ito ang mga pagbabagong nagaganap sa /n/ sa posisyong pinal dahil sa impluwensiya ng ponemang kasunod nito.
May dalawang uri ng asimilasyon:
a) Asimilasyong parsyal – karaniwang pagbabagong nagaganap sa ponemang /n/ at nagiging /n/ o /m/.
Mga halimbawa:
[pang-] + paaralan à pampaaralan
[pang-] + bayan à pambayan
b) Asimilasyong ganap – bukod sa pagbabagong nagaganap sa ponemang /n/ ayon sa punto ng artikulasyon ng kasunod sa tunog, nawawala pa rin ang unang ponema ng nilalapiang salita dahil ito ay inaasimila o napapaloob na sa sinusundang ponema.
Mga halimbawa:
[pang-] + palo à pampalo à pamalo
[pang-] + tali à pantali à panali
Pagpapalit ng Ponema – May mga ponemang nagbabago o napapalitan sa pagbubuo ng mga salita. Kung minsan, ang ganitong pagbabago ay nasasabayan ng pagpapalit ng diin.
o /d/ à /r/
Mga halimbawa:
ma- + dapat à marapat
ma- + dunong à marunong
o /h/ à /n/
Halimbawa:
/tawah/ + -an à /tawahan/ à tawanan
o /o/ à /u/
Mga halimbawa:
dugo + an à duguan
mabango à mabangung-mabango
Metatesis – Kapag ang salitang-ugat na nagsisimula sa /l/ o /y/ ay nilalagyan ng gitlaping -in-, ang /i/ at /n/ ay nagkakapalitan ng pusisyon.
Mga halimbawa:
-in- + lipad à nilipad
-in- + yaya à niyaya
Pagkakaltas ng Ponema – Nagaganap ang pagbabagong ito kung ang huling ponemang patinig ng salitang-ugat ay nawawala sa paghuhulapi nito.
Mga halimbawa:
takip + -an à takipan à takpan
kitil + -in à kitilin à kitlin
Paglilipat-diin – May mga salitang nagbabago ng diin kapag nilalapian. Maaaring malipat ng isa o dalawang-pantig ang diin patungong huling pantig o maaaring malipat ng pantig patungong unahan ng salita.
Mga halimbawa:
basa + -hin à basahin
ka + sama + -han à kasamahan
laro + -an à laruan (lugar)
Reduplikasyon – Pag-uulit ito ng pantig ng salita. Ang pag-uulit na ito ay maaaring magpahiwatig ng kilos na ginagawa o gagawin pa lamang, tagagawa ng kilos o pagpaparami.
Mga halimbawa:
a) mang- + dagit à Mandagit (Asimilasyong Parsyal) à Mandadagit (Reduplikasyon) à mandaragit (Pagpapalit ng Ponema)
b) sang- + -in- + sukob + -an à sansinukoban (Asimilasyong Parsyal) à sansinukuban (Pagpapalit ng Ponema)
IV. PAGTATAYA
a. Kumuha ng isang buong papel. Magsulat ng tigatlong halimbawa ng Pagpapalit ng Ponema.
a.1. Ilapat ito sa sitwasyong sinasangkutan ng araw-araw na gawain. (10 puntos)
V. TAKDANG-ARALIN
1) Mula sa natalakay na paksa, mag-interview ng dalawang miyembro ng pamilya ng kahit anong paksa. Mula rito, pansinin ang mga salitang may pagbabagong morpoponemiko, at itala ang mga ito. (50 puntos)
Comments
Post a Comment